LAYLAYAN SA HIMPAPAWID

Pia Victoria E. Graza

Maituturing bang pag-unlad ang mumunting hakbang na hindi man lang lumalagpas sa tarangkahan?

Isang pagpukaw sa pagal na katawan at kumakayod na manggagawa ng Kanlurang Visayas ang inaprubahang taas pasahod (minimum wage) sa pribadong sektor at mga kasambahay na ipinresenta ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)- Region VI ng Department of Labor and Employment. Kasabay ng apela ng National Capital Region (NCR), ipinabrubahan ito ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Mayo 17 at naging epektibo Hunyo 5. Sa gitna ng krisis na hinaharap ng bansa sa pandemya at pag-tala ng 6.1% inflation rate sa buwan ng Hunyo, ito ay mainam na hakbang para maibsan ang kumakalam na sikmura ng mga trabahenteng Pinoy.

Tatlong taong napuno ng agam-agam ang mga manggagawa ng bansa na mabigyan ng halaga ang kanilang pag tarik sa araw at araw-araw na buhay sapagkat taong 2019 pa ang huling wage order. Kaya ngayong taong 2022, winakasan na ng RTWPB and naantalang karapatan ng mga empleyadong naghihingalo sa masukal na daan paitaas.

Sa pagpapatibay ng Wage Order No. RBVI- 26, ang P395 na sahod ng mga nagtatrabaho sa industriyal, komersyal, at hindi pang-agrikulturang gawa na may labis 10 manggagawa ay magiging P450 araw-araw habang P420 mula P310 naman ang bayad sa mga nagtatrabaho na may mas mababa sa 10 empleyado. Sa pangkalahatang sektor ng agrikultura, P410 ang pinakamababang sahod na kanilang matatanggap. Bilang isang agrikultural na bansa, isang kawalang bahala kung hindi mabibigyan ng sapat na aruga ang mga magsasakang masikhay sa pag hatid ng pagkain sa ating hapag.

Hindi rin nakakaligtaan ang mga kasambahay na may limandaang pisong taas pasahod mula P4000 na naging P4500 sa bisa ng Wage Order No. RB6-DW-04. Kung mamalayin, maliit na halaga sa kanilang buwanang sahod ang nadagdag kaya hindi ko batid maisip kung bakit inaalmahan ang halagang kulang pa sa nagtataasang presyo ng bilihin.

Sa pagpapaliwanag ng Iloilo Business Club sa kanilang panayam sa Daily Guardian, inilarawan nila bilang ‘hindi napapanahon’ at ‘hindi makatwiran’ and ipinasang minimum wage ng NWPC. Idiniin nila na hindi pa nakakabangon ang mga negosyong pilit nagsara noong pandemya at mga unti-unting bumamabangon sa pagtala ng Alert level 1 sa Iloilo City. ‘Grave abuse of discretion’ ang kanilang ipinaratang sa RTWPB matapos isinawalang bahala ang mga inilatag nilang katotohan na sumasalamin sa naghihingalong negosyante.

Tunay ngang apektado ng pandemya ang magkabilang sektor ngunit paano makakabangon ang mga komersyong establisyemento kung ang mga empleyadong bumubuo rito ay gumagapang sa buhangin ng mumunting salapi?

Batay sa poverty threshold ng bansa, ang isang pamilya na may limang miyembro ay maaaring makabili ng mga pangunahing pangangailangan kung may buwanang sahod na P8,022. Kapag kapantay o tumaas sa naturang halaga, maikokonsidera ang pamilya bilang hindi kabilang sa laylayan. Kung ating mamarapatin, ang nakalipas na sahod ng mga kasambahay ay 4000 piso lamang, halos 50% ng poverty threshold. Kung gayon, ito ay isa ng matibay na pagsuporta sa taas pasahod sapagkat mas magiging mababa ang antas ng pamumuhay kung kakaligtaan ang 500 pisong dagdag. Sa mga mangagagawa naman, may halos 100-900 pisong lamang sa poverty threshold, isang malaking hakbang na makakatulong ng lubos.

Nagdulot naman ng karagdagang bagahe sa mga pampublikong pasahero ang naitalang pagtaas na 28.84% na presyo ng langis at P2 na dagdag pamasahe sa buong bansa, karagdagang tanikala sa mga pilit nagtitipid sa kakarampot na pera. Tinambakan pa ito ng 37% na pagpailanglang ng presyo ng pangunahing bilihin kagaya ng delata at tinapay na lubos na nagpasikip ng badyet ng bawat pamilyang Pilipino. Samakatuwid, tumaas na ang demand ng sosyedad, domoble na ang antas ng ekonomiya sa paglipas ng tatlong taon, ngunit nakakalungkot isipin na napag-iiwanan pa rin ang sahod ng mga manggagawang anak dalita. Ililista na lang ba sa tubig ang mandato ng Sekyon 3 Artikulo 11 ng konstitusyon na naglalayong magbigay seguridad at sapat na ‘living wage’ sa bawat Pilipino?

Sa pag-igting ng pamantayang ito sa anim na probinsya ng kanluran, nawakasan ang usad pagong industriyang mailap sa tanghal. Kung ating pagninilayan, ang mga empleyadong ito ay konsumerismo rin kaya kung hindi bibigyang diin ang kanilang hikbi at hinaing, tuluyan ng mawawakasan ang siklob ng ekonomiya. Habang papalayong binababagtas ng mga manggagawa ang masukal na daan, nababawasan na ang diin sa linya ng kahirapan.

Ang unti-unting pag-angat ng mga nasa laylayan ay hindi tuluyang nagpapabatid ng katiwasayan sapagkat sa kanilang pagtapak sa itaas, kanila pa ring tinitingala ang mga nasa tuktok ng himpapawid.

Published: November 13, 2022