Natatanging Irog
Pia Victoria E. Graza
Puting bestida. Luntiang sandalya. Lilang bayong. Dilaw na Mirasol. Handa na ako sa aming muling pagtatagpo.
Marahan kong binaybay ang alat ng tabing dagat at napabuntung hininga sa mabigat na hampas ng hangin. Nagkaroon ng kaunting kirot ang puso kong kailanma’y hindi nagpatinag ngunit ipinagpatuloy ko na lang ang pag-apak sa buhanging perlas. Sa kalayuan, may naaaninag akong isang diwatang marahang tumatampisaw sa tubig. Dahan dahan niyang inilagay ang kaniyang hintuturo sa bestida at mayuming umikot na parang hindi pasan ang mundo. Tila sumasabay siya sa ritmo ng uyayi.
Bumuhos ng nagsasayawang kulay ang puso ko ng nakita ko siyang ngumisi. Naramdaman ko ang daplis ng kaniyang hiningang puno ng halimuyak. Siya ang natatanging ilaw sa puso kong luhaan. Itinapi ko ang mga buhangin at dahan-dahang inilagay ang bayong na may bestida at sandalya. Ipinatong ko rito ang mirasol na kaniyang paborito. Ito ang mga bagay na kaniyang ihinagubilin bago niya iniwan ang mundong ating ginagalawan.
Limang taon na ng siya’y lumisan, ngunit aninag niya’y nakaukit pa rin. Sa pagpatak ng bukang liwayway, tuluyan ko nang ipinaubaya ang pag-iibigang kinitil ng panahon.
Siya ang aking bahaghari, ngunit kailangan ko pa bang lumuha ng lubos bago siya muling mahaplos?
Published: April 25, 2022