Artwork - Joshua Patrick Santillan

NAGBAGONG ANYO NG KOLONYALISMO

ALEXITHYMIA

“Oh my God, visiting the Philippines changed me!” “Filipinos are the best people in the world?” “Filipino malls are insane”

Ito ang nagbagong mukha ng kolonyalismo.

Kailan lang ay naging maugong na usap-usapan sa social media ang di-umanong paglalapastangan ni Nuseir Yasin ng sikat na Facebook page na Nas Daily, kay Whang-od, ang kilalang mambabatok ng Kalinga na ginawaran ng National Commission for Culture and the Arts(NCCA) ng Dangal ng Haraya sa larangan ng Intangible Cultural Heritage. Nilantad ni Grace Palicas, apo ni Whang-od na wala umanong permiso mula sa mambabatok ang pagsama ng kaniyang tradisyonal na pagta-tatoo sa Nas Academy ni Yasin. Wala pang isang araw nang pumutok ang rebelasyong ito, ay mahigit kalahating milyon na ang nabawas sa mga followers ng Nas Daily, karamihan dito ay mga pinoy na nagalit sa hindi paggalang ng vlogger sa kulturang Pilipino.

Maliban sa Nas Daily, marami pang naglilitawang mga vlogger at influencer, karamihan mga dayuhan, na pangunahing nilalaman o content ay tungkol sa kulturang Pilipino. Sa unang tingin,pagdiriwang ng kultura ng bansa ang kanilang layunin. Giit ng iba, naging pasyon na nilang makipag-ugnayan sa mga Pinoy dahil napamahal na sila sa kultura nito, subalit, sa ilang pagkakataon ay suntok sa buwan ang mga ito, sapagkat isa lamang itong bitag sa mga Pilipinong manonood.

“Pinoybaiting” ang tawag sa taktikang ito. Ayon kay M.A Buendia, isang Pilipinong vlogger at podcaster, ito ay isang “marketing strategy” ng mga content creators upang akitin ang mga Pilipino na manood ng kanilang video. “Foreign YouTubers exaggerate reaction videos to our singers [and to] TV shows and films involving the Philippines in their plotline,” sabi niya sa isang tweet noong January 2020.

Watawat ng Pilipinas, sobrang nakakagulat na ekspresyon, naglalakihang titulo na sumisigaw tungkol sa nakakamanghang bagay sa Pilipinas ang laman ng thumbnail o ang maliit na imahe na makikita habang naghahanap ng mga video na panonoorin. Madalas, ang pokus nito ay paulit-ulit na paksa tulad ng reaksyon sa ating mga palabas, talento, mga lutuin, at kahit mga shopping malls.

Halos maniwala na tayong sobrang interesado at mahal talaga nila ang ating kultura, pero ang totoo, ang ilan sa kanila ay hindi naman talaga seryoso at walang pakialam sa kapakanan ng mga taong tampok sa kanilang kuwento. Tanging views ng mga Pilipino lamang ang habol nito. Syempre, kapag maraming views, malaki rin ang kita.

Bakit nga ba Pilipino ang kanilang punterya?

Simple lang, uhaw tayo sa “global validation.” Gusto natin ang atensyon at aproba na natatanggap mula sa ibang lahi. Sa kasamaang palad, ito’y naging daan upang mas lalo tayong mabiktima ng pananamantala sa kultura. Sa panayam ng news and media company na reportr. world kay University of the Philippines Sociology Professor Samuel Cabbuag, ang global validation ng mga Pilipino ay nag-ugat sa kasaysayan ng kolonisasyon nito. Ayon sa kanya, naging sunud-sunuran at binabalewala ang mga Pilipino sa napakahabang panahon, kung kaya’t ang ilan ay nagaasam ng pansin at pagkilala mula sa ibang kultura.

“It’s more of narerecognize tayo, na meron pala tayong something na recognizable. Gusto natin magkaroon ng mas pantay na pagtingin sa mga kultura.“It’s more of equality in terms of sa pagtingin na tayo ay isang grupo o isang bansa na may sariling language, na may sariling kultura, na may sariling set of values. I think doon nanggagaling yung sinasabi nilang need to be validated,” sabi ni Cabbuag. Isa ring dahilan ay nangunguna ang mga Pinoy sa paggamit ng internet. Sa pag-aaral ng research firm na Hootsuite at We Are Social, sa nakalipas na anim na taon, ang Pilipinas ang numero uno sa listahan ng mga taong nagbababad online. Ang mga Pilipino ay gumagamit sa arawaraw ng humigit-kumulang 10 oras at 56 minutos sa internet at apat na oras at 15 minuto naman sa social media.

Digital creators, hindi masama ang pagpapahalaga sa isang kultura na hindi sa inyo.Subalit, kapag ang pagpepresenta nito ay ginamit para lamang makalikom ng likes, follows, at views, ito’y isang pambabastos. Kailanman, hindi naging batayan ang aprobal at atensyon ng mga dayuhan upang madagdagan o mabawasan ang pagiging awtentik at mayaman ng kulturang Pilipino.

Bilang mga mamamayan na pinagkaitan ng pagkakataon na pagyabungin ang kultura dahil sa ilang siglo ng pananakop, nais naming makitang tinatangkilik ang aming kultura dahil kayo ay tunay na interesado dito, hindi lamang dahil ito ay malakas ang benta.

Bilang konsumidor ng internet, kailangan rin na maging responsable tayo sa ating tinatangkilik online. Ipinapakita ba ng video ang ating kultura sa isang wasto, magalang, at responsableng paraan? Talaga bang pinaguusapan ang Pilipinas o ito’y nakasentro lamang sa kanila?

Matuto tayong sayasatin kung ang isang video ay nagpapahalaga sa ating kultura, o tinuturing lamang itong gatasang baka. Kapag patuloy tayong magbubulag-bulagan, tiyak na lalo pa tayong magiging target ng pananamantala.

Published: November 15, 2022